Isa ako sa mga hater ng mga taong inuuna ang jowa kaysa sa kaibigan. Yung mga taong iniiwan ang mga kaibigan dahil may bagong taong dumating na sa isip ko naman ay aalis din after 3-4 months. Sino ba sila na ilalagay kang pangalawa when in fact ikaw yung nanatiling loyal sa tabi nila? Dati naiinis ako kapag nagkaka-jowa na ang aking mga kaibigan pero ang totoo nagiging selfish lang ako kasi gusto ko rin makipagdate with someone.
Namulat tayo sa pag-iisip na friends over boy/girlfriends at laging sinasabi na poor choice and pagpili sa mga karelasyon kaysa sa kaibigan. Pinaniwalaan ko itong mga salitang ito mula noon - dahil sa mga relasyong di seryoso, past time lang, at pag-ibig-bata. Pero habang tumatanda ako, natutunan kong minsan kailangan ring iprioritize ang relasyon over friendship at napakaraming rason para gawin ito.
Hindi maikukupara ang friends night out, parties o kahit ano pa man sa pag-gising sa tabi ng taong pipili sayo araw-araw.
Walang makakatalo sa pakiramdam nang nakatayo ka sa isang lugar na hindi mahulugan ng karayom habang nakakabit ang mga mata sa taong nasa halos tatlong metro ang layo sayo at nahuhulog sa bawat tingin niya. At bawat araw na magkasama kayo ay lalong lumalamim ang pagmamahal mo sa kaniya.
Kaya sa tingin ko ay hindi dapat mahiya ang sinuman sa pagpili ng boy/girlfriend kaysa kaibigan.
Dahil totoo, tatayo ang mga kaibigan mo sa kasal nyo at pagsasabihan ka ng mga salitang di makain, ipapaalala sayo kung paano kayo nakarating sa kung saan kayo ngayon, at minsan ay isusumbat ang mga nagawang mabuti sayo. Pero tandaan mo, ang taong nasa tabi mo ay ang taong makakasama mo habambuhay.
Ang iyong mga kaibigan ang katulong at kasama mong maglakbay papunta roon. Sila ang magpupunas sa mga luha mo, sila ang magiging sandigan mo kapag may mga problema, tatayo sa tabi mo at tutulungan ka kapag nagkamali ka at mamahalin ka nang walang pagaalinlangan. Kaya naman siguro dapat lang na unahin ang mga kaibigan pero naniniwala ako na ang mga kaibigan ay ang mga taong aalalay, magpapaalala, mag-aalala, at magsasabing nasa tabi mo lang sila hanggang mayroong isang taong karapatdapat na pumalit sa kanilang pwesto - ang The One mo.
Sa katunayan hindi naman mawawala ang kaibigan nating nasa tamang relasyon na. Sasagot parin yan kapag tumawag ka nang alas-tres ng umaga. Siya parin naman yung matatawag mo kung nagugutom ka at gusto mong kumain nang siomai rice sa dimsum panda o kaya naman ay nagke-crave ka ng ice cream na pistachio. Hindi yan magbabago kahit may jowa na siya at ang pagkakaibigan nyo ay di mawawala. Siguro kailangan lang natin tanggapin na nasa tamang tao na siya at karamihan ng kaniyang oras ay naka-invest na sa taong pinili niyang makita araw-araw.
0 Comments