Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Madilim ang Gabi By Anjela Maika Ancheta


MADILIM ANG GABI
By Anjela Maika Ancheta

Ayan nanaman sila
Unti-unting pumapatak mula sa aking mga mata
Maniwala ka
Pinipigilan ko sila pero mistulang wala silang mapagsidlan
Sobra ang pagnanais na kumawala
Madilim ang gabi
Walang bahid ng mga bituin na aking pinagkokonekonekta upang makabuo ng imahe
Na alam ko na sa pagpikit ko ay mawawala din
Mga bituin na aking laging tanaw-tanaw
Tahimik ang paligid
Tanging tiktik ng butiki at tunog ng lamok na umiikot sa aking tainga ang aking nadirinig
Malamig ang ihip ng mundo na dumarampi sa aking mga pisngi
Na silang mas nagpaparamdam ng mumunti kong mga luha
At alam kong sa gabing ito magisa ako
Walang nakakarinig sa hikbi ko
walang tawanan mula sa mundo ninyo
nariyan kayo
pero sa gabing ito magisa ako
inaabot ko ang kamay ko mula sa aking mundo patungo sa inyo ngunit walang kumakapit dito
sumisigaw ako, nagsusumamo para sa tulong na maialis sa kadilimang ito
ngunit walang nakadirinig
Maiksi ang mga braso ko
Maliit ang tinig ko
naiwan ako dito
hanggang ang dilim ng gabi ay naging mundo ko
tinanggap ko na hindi ko kayang maging parte ng mundo ninyo
sa madilim na mundong ito na kinalalagyan ko
madilim ang paligid higit na madilim kaysa sa inyong gabi
Higit na nakakatakot
Higit na tahimik, nakabibingin katahimikan
sa mundo kong isang madilim na gabi
na kung saan ang mga luha ay nagtatago sa likod ng mga unan
pumipigil gumawa ng tunog ang hinagpis ko
dahil baka dumating sila
at ayoko sirain nila ang mundo ko
baka yapakan nila ito
alam kong di nila maiintindihan
alam kong hindi sila mananatili
ayoko na may makaalam
ang mundo ay hindi tulad ng inyo
ang mundo ko ay isang madilim na gabi
na kung saan ang liwanag at saya ay panaginip ko lamang
Ang mga unan koy kaibigang pumapawi sa mga luha ko
silang mga bulungan ng mga bangungot mula sa mundo ninyo
ang kumot ko ay kanlungan at kapanatagan mula sa ihip ng mundong pinipigilan ako
ito ay isang gabi na ako lamang ang gising
walang may pakealam
walang may alam
sa mga patak ng luhang pinigil ko
ang mga unan ay taglay ang pagasa na bukas ay masasagit ang mga tanong
tanong na nagpapadilim pa lalo sa madilim na gabing mundo ko na
at magisa ako, walang mga bituin
malamig ang hangin
madilim ang gabi
Iyan ang mundong kinalalagyan ko.

Painting:
"Madilim ang Gabi"
By: Anjela Maika Ancheta